Personal na pinuntahan ni Cabinet Secretary Benhur Abalos ang pamilya ng mga biktima at komunidad ng Ateneo de Zamboanga University matapos ang nangyaring pamamaril sa paaralan, upang ipaabot ang pakikiramay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Nakausap ko kanina si Pangulo. Bilin niya sa akin to really extend his sympathies. Masyadong masakit ang nangyari rito… I came here to sympathize with the community. Masyadong masakit ang nangyari, lalo na para sa mga magulang,” -Abalos.
Bumisita si Abalos sa unibersidad ngayong araw (August 20) upang makausap ang school administrators at alamin ang sitwasyon kasunod ng insidente noong Martes (August 18).
Kaugnay nito, nanawagan ang Cabinet Secretary na iwasan muna ang pagpapakalat ng haka-haka at fake news habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa motibo at buong pangyayari sa likod ng pamamaril.
“Tigilan na muna ang haka-haka at fake news. Hindi ito nakakatulong sa komunidad, lalo na sa mga bata at mga guro. Antayin na lamang natin ang resulta ng imbestigasyon,” -Abalos.
Ayon sa kalihim, kailangang makamit ang hustisya sa lalong madaling panahon para sa mga biktima.
“Talagang hustisya ang importante rito, at importante ring huwag na itong maulit. Ang tama at masusing imbestigasyon ang magdadala sa atin sa mga repormang kinakailangan,” -Abalos.
At upang matukoy ang mga pagbabagong kailangan nang hindi na maulit pa ang mga ganitong insidente.
Kaugnay nito, nais ding paigtingin ng kalihim ang mga safeguard upang maprotektahan ang mga bata laban sa mapanganib na content sa social media, lalo na iyong mga hindi na dapat napapanood o nakikita ng mga bata.
“May mga bagay na hindi dapat mapanood at makita ng maliliit na bata. Sa sinehan, may parental guidance, pero sa social media, wala. Regulation is important. We must come up with laws about this,” -Abalos.