Naglabas ng kautusan ang Bureau of Corrections (BuCor) na nagpapaaalala sa mga BuCor personnel na maging responsable sa pagtatago at pangangalaga ng kanilang mga baril o armas na inisyu ng gobyerno sa kanila.
Kasunod ito ng mga insidente ng pamamaril ng ilang estudyante tulad ng sa Zamboanga City kung saan ang ginamit na baril ay mula sa isang kaanak na may issued firearms mula sa pamahalaan.
Base sa memorandum, ang pagtitiyak na ligtas ang mga armas ay kabilang sa tungkulin ng isang tauhan ng BuCor, dapat ito ay secured at hindi makukuha o mahahawakan ng mga hindi otorisadong indibidwal lalo na ng mga bata at menor de edad.
Dapat din hindi ito napapabayaan o nilalagay sa mga lugar kung saan ang mga miyembro ng pamilya, katrabaho o bisita ay maaari itong makuha.
Kung dadalhin man ito sa bahay ay dapat nasa isang ligtas na storage facility. Maaring nasa gun safe o lockbox na may nakakandado sa pader o sa sahig ang armas pero dapat kaya nitong iwasan ang anomang forced entry at hindi madaling makita.
Kung may key combination naman hindi ito dapat malaman ng mga hindi otorisadong sibilyan. ‘Wag din iiwanan ang susi ng gun safe sa mga drawer, lamesa, cabinet at iba pang lugar na makukuha ng mga bisita o kaanak.
Giit naman ni Bucor Chief Director General Gregorio Catapang Jr. dapat pairalin ang pagiging responsable at disiplina sa pagsasagawa ng safety protocols. Anomang kapabayaan ay maaaring magresulta sa aksidente at pagkalawa ng buhay ng ilang indibidwal. May kaakibat din itong kasong kriminal sa mga nasa serbisyo.