Nakakabahala para sa justice system ng bansa ang paglutang ng mga indibidwal na titestigo at magbabanggit ng mga pangalan kaugnay sa flood control scandal, ngunit kalaunan ay babawiin din.
Reaksyon ito ni Communications Usec. Claire Castro, kasunod ng recantation o pagbawi ng mga salaysay ng dating security aide ni Zaldy Co na si Orly Guteza laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, kaugnay sa pag-deliver niya ng male-maletang pera sa kongresista.
Kung matatandaan, sinabi ni Guteza na binitiwan niya ang mga pahayag laban kay Romualdez, kapalit ng pera at scholarship para sa kaniyang mga anak.
Ayon kay Castro, sumasalamin ito na marami ang nagtatangka na gumawa ng pekeng kuwento upang makapanira ng kapwa.
Marahil ang rason dito, nais aniyang pabagsakin ang pamahalaan.
“Medyo nakakabahala ito, dahil sisirain nito ang justice system nito, sisirain din nito kung ano ang paniniwala ng ating mga kababayan, dahil mas maraming papalutangin na maling impormasyon, fake news, false information na makakaapekto sa katotohanan, so iyon ang implikasyon ng mga paggawa ng mga kuwento, gamit ang mga false witnesses at pagpaplanta ng ebidensya.” -Castro.
Sinabi ni Castro, hindi ito ang unang pagkakataon na mayroon umanong mga nag-manipula para sa pagkakaroon ng false witness kapalit ng pera.
Nakakabahala aniya ito, lalo’t sisirain din nito ang paniniwala ng mga Pilipino, dahil kaakibat ng mga pekeng salaysay na ito ang paglutang ng fake news at maling impormasyon na makakaapekto sa katotohanan.
“Maraming nag-aattempt gumawa ng pekeng kuwento para sirain, kung sino man iyong gusto nilang sirain. At maaaring, isa sa mga reasons nito ay destabilization. So, hindi lang ito ang nababanggit na mayroong nagmamanipula diumano, nagmamanipula ang mga tao para maging false witness at ang offer ay pera.” -Castro.
Pagbibigay-diin ni Castro, dapat maimbestigahan ang mga ganitong insidente, lalo’t mas dapat na manaig ang due process, ang batas, at ang ebidensya.