Maaaring makakuha ng benepisyo ang mga manggagawang magkakasakit, masasaktan o maaaksidente dahil sa kanilang trabaho habang may kalamidad o masamang panahon.
Pinaalalahanan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor na alamin ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Employees’ Compensation Program.
Kasunod ito ng patuloy na pagpasok sa trabaho ng maraming empleyado sa kabila ng malalakas na ulan, pagbaha at iba pang mapanganib na kondisyon.
Ayon kay Employees’ Compensation Commission Executive Director Atty. Kaima Via Velasquez, mahalagang alam ng mga manggagawa kung saan at paano makahihingi ng tulong sakaling magkaroon ng sakit o aksidenteng may kaugnayan sa kanilang trabaho.
Saklaw ng EC Program ang sickness at disability benefits, medical reimbursement, rehabilitation, gayundin ang death at funeral benefits para sa pamilya ng manggagawang namatay dahil sa trabaho.
Maaaring maghain ng EC claim sa Social Security System (SSS) ang mga manggagawa sa pribadong sektor, habang sa Government Service Insurance System (GSIS) naman para sa mga nasa pampublikong sektor.
Kabilang sa mga itinuturing na mas lantad sa panganib tuwing masama ang panahon ang construction workers, delivery riders, electric line workers, rescuers at iba pang manggagawang kailangang magtrabaho sa mapanganib na kondisyon.