Photo courtesy | Viet Nam Government Portal
Inihain ng pamahalaan ng Vietnam sa National Assembly ang panukalang baguhin ang Criminal Code at alisin ang parusang kamatayan para sa anim na krimen.
Ayon sa ulat ng Reuters, kabilang dito ang drug trafficking, panggagahasa sa mga menor de edad, riot o kaguluhan, crimes against humanity, war crimes, at isang uri ng terorismo laban sa pamahalaan.
Sinabi ni Public Security Minister Luong Tam Quang na kung maaprubahan, apat na krimen na lamang ang maaaring patawan ng death penalty sa ilalim ng panukala: ang pagtataksil sa bayan, pagpaslang, terorismo, at iligal na paggawa ng narcotics.
Ayon pa sa opisyal, layunin ng pagbabago na iayon ang batas ng Vietnam sa mga pandaigdigang pagbabago sa criminal justice at mapalakas ang kooperasyon nito sa ibang bansa.
Inaasahang pagdedebatehan ito ng National Assembly bago isagawa ang botohan sa Oktubre at kung maaprubahan ay maaari itong ipatupad sa Marso 2027.
Gayunman, may ilang grupo ng Human Rights Watch na nagpahayag ng pangamba sa ibang bahagi ng panukala na maaaring magdagdag ng parusa sa ilang krimen laban sa estado.