Pumalag ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga pahayag ng Chinese Embassy na anti-Chinese ang naging operasyon laban sa Sanjia Steel Corporation sa Misamis Oriental.
Sa isang pahayag na inilabas ng PAOCC, ito aniya malinaw na pagwawalang bahala sa diplomatic decorum at sa batas sa Pilipinas.
Giit pa ng PAOCC, hindi tama na tila tinuturuan ng Chinese Embassy ang mga otoridad ng Pilipinas na magsagawa ng operasyon sa sarili nitong bansa.
Matatandaan na sinabi noon ni Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng bakit kinailangan pang pumunta ng Armed Forces of the Phillippines sa operasyon at kasama pa ang iba’t ibang law enforcement agencies mula sa PNP, NBI at iba pa.
Kinuwestyon din ng embahada kung bakit ang mga Chinese workers na nagtatrabaho sa korporasyon ay inaresto pero ang nasa 300 Pilipino ay pinalaya.
Nilinaw naman ng PAOCC na inter-agency law enforcement ang naging operasyon at ang mga Chinese workers na hinuli ay dahil sa posibleng paglabag nito sa immigration at labor laws.
Dadaan naman aniya sa legal na proseso ang mga Chinese nationals at hindi naman sila agad guilty dahil lang sa kanilang nasyonalidad.
Hinamon naman ng PAOCC ang Chinese embassy na maglabas din ng totoo at buong detalye hinggil sa operasyon sa kanilang social media upang malaman ng publiko ang katotoohanan.