Isinusulong ni Senator Joel Villanueva ang institutionalization ng government merit scholarship program para mabigyan ng permanenteng pagkakataon sa de-kalidad na edukasyon ang mga matatalino at masisipag na estudyanteng kapos sa pera.
Sa sponsorship speech para sa Senate Bill No. 2410 o proposed Presidential Merit Scholarship Program Act, sinabi ni Villanueva na layon ng panukala na gawing permanenteng national scholarship framework ang umiiral na Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program.
Sa ngayon, nasa 20,000 scholars nationwide ang benepisyaryo ng programa.
Sa ilalim ng panukala, bukas ang scholarship sa mga kuwalipikadong Senior High School graduates mula sa public at private schools.
Para sa higher education track, kailangang kabilang ang aplikante sa top one percent ng kanilang graduating cohort o may General Weighted Average na hindi bababa sa 95 percent.
Para naman sa TVET Diploma track, kinakailangan ang GWA na hindi bababa sa 85 percent.
Maaari ring makatanggap ang mga scholar ng living at transportation stipends, book at connectivity allowances, educational assistance, at suporta para sa internship, thesis, research at board examinations.
Kabilang sa mga prayoridad na larangan ng programa ang healthcare, agriculture, science and engineering, education and research, artificial intelligence, cybersecurity, advanced manufacturing at iba pang emerging industries.
Maaari ring kumuha ang mga scholar ng priority undergraduate programs sa mga kolehiyo at unibersidad o priority diploma programs sa TESDA.
Sa ilalim din ng panukala, kailangang magsagawa ng return service sa Pilipinas ang mga scholar sa pamamagitan ng trabaho, professional practice, research, teaching, community engagement, public service o pagtatrabaho sa mga industriyang mahalaga sa pambansang kaunlaran.
Iginiit ni Villanueva na mahalagang gawing batas ang programa upang hindi ito maapektuhan ng pagbabago ng administrasyon at taunang policy priorities.
Binigyang-diin ng senador na ang scholarship ay hindi lang ayuda sa estudyante kundi puhunan sa kinabukasan ng bayan. | ulat ni Nimfa Asuncion