Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang panukalang batas na magpapataw ng criminal liability sa mga may-ari ng baril na pabaya dahilan para ma-access ng mga menor de edad ang kanilang baril at nagamit ito para makapanakit o makapatay.
Sa isang privilege speech, binigyang-diin ni Tulfo ang magkakasunod na insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City na kapwa kinasangkutan ng mga menor de edad at mga baril na pag-aari ng mga matatanda.
Binigyang diin ni Tulfo na dapat suriin kung sapat ang kasalukuyang safeguards para mapigilan ang mga bata na makakuha ng mga baril na pag-aari ng mga nasa hustong gulang.
Aniya, kapag ang isang menor de edad ay nakakuha ng baril na rehistrado sa pangalan ng isang licensee at ginamit ito para makasakit o makapatay, dapat managot ang may-ari kung mapatunayang naging pabaya ito sa pag-iingat ng kanyang armas.
Binigyang-diin ni Senator Erwin na hindi ordinaryong pag-aari ang baril dahil maaari itong magdulot ng kamatayan o malubhang pinsala sa loob lamang ng ilang segundo.
Kaya naman sa isinusulong niyang panukala, maaaring managot sa krimen ang licensee o may-ari ng baril kapag nakakuha ng access dito ang isang menor de edad at ginamit ito para makapinsala o pumatay ng ibang tao.
Binigyang-diin ni Tulfo na hindi layunin ng panukala na basta parusahan ang isang gun owner kapag nanakaw o nagamit ang baril nang walang pahintulot.
Aniya, dapat may ebidensiyang nagpapakitang nabigo ang may-ari o lawful custodian na gawin ang makatuwirang pag-iingat sa pag-iimbak ng armas.
Ngayong araw, talakayin na ng senate committee on women, Children, Family Relations and Gender Equality ang shooting incident sa Ateneo de Zamboanga. | ulat ni Nimfa Asuncion