Photo courtesy of Akbayan Party-list Representative Dadah Kiram Ismula Facebook
Umapela si Akbayan Party-list Representative Dadah Kiram Ismula sa mga kasamang mambabatas na ilagay sa programmed appropriations ang mga prayoridad na proyekto sa 2027 budget, upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga ito at maiwasang masayang ang binabayarang commitment fees.
Ito’y matapos kumpirmahin ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) na gumagamit ang pamahalaan ng pondo para sa commitment fees ng mga proyekto, kabilang ang mga nasa unprogrammed appropriations.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, umabot na sa ₱3.4 billion ang commitment fees na naipon ng pamahalaan mula 2022.
Giit ni Ismula, hindi biro ang halagang ito dahil halos katumbas na aniya ng buong Cancer Assistance Fund na nakapaloob sa panukalang budget para sa susunod na taon.
Kabilang sa mga proyektong tinukoy niya ang Cebu Bus Rapid Transit, Metro Manila Subway, at Dumaguete International Airport, na aniya ay paulit-ulit na napupunta sa unprogrammed appropriations.