Tulad ni Vice President Sara Duterte, nais din ng House prosecution panel na mapabilis ang paglilitis sa impeachment case sa Senate impeachment court.
Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon, sisikapin ng prosekusyon na agad maiharap ang lahat ng kanilang ebidensiya at mga testigo upang makapagsimula na rin ang depensa sa kanilang presentasyon at sa huli ay makapaglabas na ng hatol ang impeachment court.
Sa isang panayam kasi sa bise presidente sinabi niyang mahalagang mapabilis ang paglilitis dahil naka-antabay din ang taumbayan.
“Magkapareho ang naisin ng Pangalawang Pangulo at ng House prosecution panel na maging mabilis ang proseso ng paglilitis ng kanyang kaso sa Senate impeachment court. Kaya naman sisikapin ng prosekusyon na maisalang ang lahat ng ebidensiya at testigo sa pinakamaaga at pinakamabilis na panahon, para makapagsalang na rin ang depensa ng kanilang mga ebidensiya at testigo, at sa dulo, makapagbigay na ng hatol ang korte,” sabi ni Ridon.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala si House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers sa mga pagkaantala sa paglilitis dahil sa masamang panahon.
Ayon kay Barbers, nakakaantala ito sa proseso at sa pagpapalabas ng katotohanan, kaya umaasa siyang bibilis ang mga susunod na paglilitis.
Pagbibigay diin pa ni Barbers na “justice delayed is justice denied.”
“Nakaka-delay po ito ng ating proseso sa paglilitis at nakaka-delay sa pagpapalabas ng katotohanan. So, hopefully, bumilis-bilis tayo because sabi nga, justice delayed is justice denied,” aniya.