Isinusulong ng pamahalaan ang pagkakaroon ng underground water storage facilities bilang karagdagang hakbang sa flood management sa bansa.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., katuwang ang isang engineering company mula sa Netherlands na Haskoning, mayroon silang natukoy na 30 sites sa NCR kung saan maaaring maghukay sa ilalim ng mga existing facility para lagyan ng cistern.
Kabilang dito ang Rajah Sulayman, Rizal Memorial, Camp Aguinaldo at University of Santo Tomas.
Kaugnay nito, sinabi ni MMDA Chairman Don Artes na hindi lahat ng 30 sites ay mangangailangan ng malalaking imprastruktura, lalo’t mayroong mga open space na maaaring palalimin upang magsilbing catchment area.
Kabilang rin sa mga pinag-aaralan ang UP Sunken Garden, na maaari pa anilang palalimin para pansamantalang saluhin ang tubig tuwing matindi ang buhos ng ulan.