Aalamin ng Malacañang kung saang mga lugar eksakto nagmula ang mga Pilipino na nagsabi na nakaranas sila ng kagutuman, base sa self-rated poverty at hunger survey ng OCTA Research, para sa ikalawang quarter ng 2026 na nasa 39% at 21%.
Ito ayon kay Communications Usec. Claire Castro ay dahil sa katatapos lamang na survey ng Social Weather Station (SWS), kinakitaan ng improvement ang Walang Gutom program ng administrasyon.
Sa SWS survey, lumalabas na nasa 600, 000 na pamilyang Pilipino na ang maituturing na food secured.
Bukod dito, tuloy -tuloy aniya ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maibsan ang kagutuman sa hanay ng mga Pilipino.
Ayon kay Castro, kung hindi talaga alam ng mga tumugon sa survey ang Walang Gutom program, natural lamang na magkakaroon ng pagkakaiba sa resulta ng mga pag-aaral, dahil hindi nila naramdaman ang benepisyo nito.
Dahil dito, tututukan aniya ng pamahalaan ang pagpapalakas pa sa programa, upang mas maraming nangangailangang pamilyang Pilipino ang maabot.
Una nang sinabi ng DSWD na ang target ng administrasyon maiakyat sa 750,000 food-poor families ang maserbisyuhan ng programa, upang matugunan ang involuntary hunger sa bansa.