Maaaring tumangging pumasok sa trabaho ang mga empleyado sa pribadong sektor kung may agarang panganib sa kanilang kaligtasan dahil sa masamang panahon, nang walang administrative sanction.
Ito ang nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Labor Advisory No. 14, Series of 2026 na nilagdaan ni DOLE Secretary Francis Tolentino.
Sa ilalim ng advisory, maaaring magsuspinde ng trabaho ang employer bilang bahagi ng management prerogative at matapos makipag-ugnayan sa safety and health committee o safety officer ng kumpanya.
Ang mga empleyadong hindi makakapasok dahil sa work suspension ay walang regular na sahod maliban kung may umiiral na company policy, practice o collective bargaining agreement na nagsasabing dapat silang bayaran.
Maaari ring gamitin ang leave credits kung papayagan ng employer.
Ang mga empleyadong papasok at makapagtatrabaho nang hindi bababa sa anim na oras ay dapat tumanggap ng buong regular na sahod, habang proportionate pay naman para sa mas mababa sa anim na oras na trabaho.
Maaari ring magbigay ang employer ng karagdagang insentibo o benepisyo sa mga empleyadong papasok sa panahon ng masamang lagay ng panahon.