Masaya ang Bureau of Immigration dahil napasama sa 20th Congress Legislative Agenda ang Bureau Modernization.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, mahalagang hakbang ito upang mapalitan ang kasalukuyang immigration framework na nakabatay pa sa Philippine Immigration Act of 1940—isang batas na 86 na taong gulang at ginawa sa panahong ibang-iba ang kalagayan ng bansa at mundo.
Sinabi ni Viado na hindi na sapat ang lumang batas para tugunan ang mga makabagong hamon sa border management, kabilang ang border security, human trafficking, illegal recruitment, foreign fugitives, transnational crime, at mabilis na paggalaw ng mga tao sa iba’t ibang bansa.
Layunin ng modernization bill na magbigay ng mas matibay na legal framework para sa immigration administration, kabilang ang mas mahigpit na border security, mas mahusay na enforcement mechanisms, mas malinaw na mga patakaran at proseso, at mas malawak na paggamit ng makabagong teknolohiya.
Ayon pa kay Viado, patuloy nang pinapalakas ng Bureau ang operasyon nito sa pamamagitan ng teknolohiya, inter-agency coordination at intelligence-driven enforcement, ngunit kailangan pa rin ng komprehensibong pagbabago sa batas.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang modernisasyon hindi lamang para sa seguridad ng bansa kundi para mapadali rin ang lehitimong paglalakbay, turismo, negosyo at migration, habang pinoprotektahan ang karapatan ng mga lehitimong biyahero at dayuhan.
Nagpasalamat ang BI kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa LEDAC at nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan sa Kongreso, Executive branch at iba pang stakeholders upang maisulong ang bagong batas sa immigration.