Naghain ng limang gabay ang Department of Health (DOH) para sa proteksyon ng mga kabataan laban sa mga panganib sa internet.
Ayon sa DOH, dapat i-set ang mga gadget sa restricted mode, i-activate ang privacy settings sa lahat ng mga app, at gamitin ang parental control tools upang ma-block ang hindi ligtas na nilalaman tulad ng mga adult website.
Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng bukas na pakikipag-usap sa mga bata ukol sa internet safety.
Inirekomenda din ng ahensya ang paglilimita sa screen time kung saan dapat ay isang oras lamang para sa mga batang edad dalawa hanggang lima, at isa hanggang dalawang oras naman para sa edad anim hanggang labindalawa.
Nanawagan din ang DOH na i-report agad ang anumang banta o online predator sa Women and Children Cybercrime Protection Unit ng Philippine National Police — Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).