Sarado ngayong Biyernes, August 21, ang mga health center sa lungsod ng Maynila bilang paggunita sa Ninoy Aquino Day.
Ayon sa Manila Health Department (MHD), pansamantalang walang regular na serbisyo at operasyon ang mga health center ngayong araw.
Magbabalik ang normal na operasyon ng mga pasilidad sa Lunes, August 24.
Pinapayuhan naman ng MHD ang mga nangangailangan ng Doxycycline na magtungo sa pinakamalapit na ospital ng lokal na pamahalaan sa kanilang lugar upang makakuha ng kinakailangang serbisyo.
Hinikayat din ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang pagpunta sa mga health facility habang pansamantalang sarado ang mga health center sa Maynila ngayong holiday.