Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang upang mapataas ang conviction rate ng mga sangkot sa pagnanakaw ng mga pasilidad at materyales para sa distribusyon ng kuryente.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez, Jr., hindi nagtatapos sa pag-aresto ang proseso sa mga sangkot sa naturang ilegal na gawain.
Nais aniyang matiyak na masasampahan ng matibay na kaso ang mga suspek sa pakikipag-ugnayan sa Department of Justice.
Nauna nang lumagda ang PNP at isang kumpanya ng kuryente sa kasunduan upang palakasin ang pagtutulungan sa pagprotekta sa mga pasilidad ng kuryente. Binigyang-diin ni Nartatez ang pangangailangang protektahan ang distribusyon ng kuryente sa bansa dahil sa mahalagang papel nito hindi lamang sa ekonomiya kundi maging sa buhay ng mga Pilipino.
Mahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines Act of 1994 ang mga maaarestong sangkot sa naturang krimen.