Nagpaalala ang Malacañang sa bawat Pilipino na mas mainam mamuhay nang normal at sa legal na pamamaraan, at hindi dapat magpadala sa pera kapalit ng paninira ng inosente o buhay ng kapwa.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng recantation o pagbawi ng salaysay ng isa sa mga umano’y nag-deliver ng male-maletang pera kay dating House Speaker Martin Romualdez, dahil napag-utusan lamang umano siya kapalit ng pera at scholarship para sa kaniyang mga anak.
“Mayroon pa rin itong kinalaman sa flood control scandal. Ang bawat Pilipino, maaari naman tayo mabuhay sa normal na pamamaraan, sa legal na pamamaraan. Huwag tayong marahuyo, huwag tayong magpa-entice sa ino-offer na pera, para lang manira ng taong maaaring inosente o maaaring walang kinalaman sa gagawin ninyong akusasyon.” — Castro.
Ayon kay Castro, dapat isaalang-alang ng lahat na ang bawat paninirang binibitawan laban sa isang tao, buong pamilya at integridad nito ang nadudungisan.
“Dahil kumita man kayo, iyong taong sinira ninyo, hindi lang iyong tao na iyan ang masisira, kung hindi ang buong pamilya niyan, ang buong integridad niyan.”
Kaugnay nito, nanawagan din ang opisyal para sa mga indibidwal na mayroong tunay na nalalaman kaugnay sa flood control issue na lumutang na, at makipag-tulungan sa gobyerno.
“Ang nais din natin, kung mayroon naman ding may alam ng katotohanan, para ma-pin down, mapanagot ang dapat mapanagot, maaari na rin po kayong lumabas at makipagtulungan sa gobyerno.” — Castro.
Kapareho ng mga Pilipino, ang nais lamang aniya ng gobyerno ay madiin ang mga talagang nagkasala at umabuso sa pondo ng taomabayan, at masampahan ng kaso ang mga ito, batay sa mga ebidensya.
“Para iyong mga tao na nakakaligtas, huwag na po nating paligtasin. Kung mayroon po talaga silang kinalaman, pagtulungan na po ng lahat, para maibigay lahat ang ebidensya, para makasuhan sila. So, iyon lamang, pero muli, dapat, totoong kuwento at hindi gawa-gawa.” — Castro.