Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang ₱1.855 billion pondo para sa Philippine General Hospital (PGH), kabilang ang ₱800 milyon para sa Zero Balance Billing (ZBB) ng ospital.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang healthcare services na ipinaabot sa mga Pilipino.
“Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga pasyente sa kanilang gastusin sa hospitalization habang sinusuportahan ang critical medical at specialized services ng pangunahing public referral hospital ng bansa,” — Castro.
Ayon sa opisyal, ₱1.04 billion sa karagdagang pondo ay gagamitin para sa pagbibigay ng mga serbisyong medikal sa PGH.
Bukod sa ZBB at iba pang serbisyo, ₱15 million ang ilalaan para sa paggamot ng Dystonia-Parkinsonism o Lubag Syndrome. Kung matatandaan, una nang sinabi ni Budget Acting Secretary Kim Robert De Leon na direktang ilalaan ang karagdagang pondo sa isa sa pinakamalaking problema ng mga pamilyang Pilipino, ito ang gastusin kapag nagkakasakit.
Sinisiguro ng pamahalaan na ang pagpapalabas ng pondong ito ay alinsunod sa mga umiiral na budget execution rules and requirements, upang matiyak na magagamit ang karagdagang pondo ng PGH sa tamang layunin at mayroong sapat na safeguards para sa responsableng paggamit ng pera ng bayan.