Nagtutulungan ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan upang patuloy na maibaba ang antas ng kagutuman sa bansa. Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Health Usec. Albert Domingo na ang Department of Agriculture (DA) ang nagsisilbing vice chairman ng National Nutrition Council (NNC).
Bukod aniya sa pagpapataas ng ani ng mga magsasaka, isa ang panghihikayat sa mga Pilipino na tangkilikin ang urban at peri-urban gardening sa mga isinusulong ng gobyerno, upang patuloy na mapababa ang antas ng kagutuman sa Pilipinas.
“Andito rin iyong ating tinatawag na urban and peri-urban gardening.” — Domingo.
Sila rin aniya sa Department of Health (DOH), bawat komunidad na kanilang puntahan, kanilang sinisilip kung mayroong community garden. Paalala ng opisyal, kaya ng publiko na magkaroon ng sariling home garden, at malaki ang maitutulong ng simpleng pagtatanim at pagpapalaki ng gulay sa kani-kaniyang bakuran.
“Sa katunayan, iyan po iyong ating ina-advocate ngayon ‘no, kahit sa lahat nagpupunta tayo, ang inyong lingkod, ating sinisiguro na tsini-check natin, mayroon ba ditong mga community gardens, mayroon ba ditong mga home gardens, kasi kaya natin magtanim at magpalaki ng gulay sa ating mga sariling bakuran.” — Domingo.