Tiniyak ng Malacañang noong Huwebes na tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng pamahalaan hinggil sa mga alegasyon ng anomaliya sa mga flood control project sa bansa, kabilang ang mga proyektong idineklara di umanong “ghost,” substandard, o hindi epektibo sa pagpigil ng baha.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, kasalukuyang sinusuri ng Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) ang mga nakalap na ebidensya at dokumento upang matukoy ang mga dapat managot.
“Tuluy-tuloy pa rin po,” pahayag ni Castro sa ginanap na press briefing sa Palasyo nang tanungin ukol sa direksyon ng imbestigasyon. “Patuloy po ang pag-iimbestiga.”
Inihayag ni Castro na naipasa na ng Senado sa Office of the Ombudsman ang mga dokumentong nakuha mula sa sarili nitong pagdinig. Dagdag pa niya, patuloy rin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtukoy at pag-uulat ng iba pang kaduda-dudang proyekto upang maipasa sa mga awtoridad.
Isinagawa ang pahayag sa gitna ng matitinding pagbaha sa Metro Manila at iba pang karatig-lalawigan dulot ng habagat.
Matatandaang unang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang usapin ng mga itinuturing na “ghost” flood control project sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2025, kung saan iniutos niya ang malalimang pagsusuri sa paggamit ng pondo ng bayan.
Kasabay ng paniningil ng pananagutan, nagpapatupad din ang administrasyon ng mga agarang hakbang tulad ng inspeksyon sa mga pumping station, paglilinis ng mga daluyan ng tubig, at pag-aaral sa mga pangmatagalang solusyon sa water management.
Binigyang-diin ng Palasyo na hindi titigil ang pagsisiyasat habang patuloy na tumutugon ang gobyerno sa epekto ng mga bagyo at sama ng panahon sa bansa.