Photo courtesy | Shealah Craighead / The Trump White House Archived / National Archives and Records Administration (NARA)
Nais ni U.S. President Donald Trump na muling makipagkita kay North Korean Supreme Leader Kim Jong Un bago matapos ang taon, ngunit malamig ang naging tugon ng Pyongyang sa panukalang pagbuhay sa kanilang diplomasya.
Ayon sa ulat ng Reuters, sinabi ng North Korea na kailangan munang magkaroon ng pagbabago sa polisiya ng Estados Unidos bago ito muling sumabak sa seryosong negosasyon.
Kabilang sa mga hinihingi nito ang pagtanggap sa kasalukuyang nuclear status ng North Korea at pag-alis sa mga kahilingang isuko nito ang nuclear weapons program.
Ayon pa sa Pyongyang, hindi sapat ang mga hakbang ng Washington upang agad maibalik ang negosasyon.
Ito’y sa kabila ng ipinag-utos ni Trump na pagbawas sa lawak ng military exercises ng Amerika at South Korea.
Bagama’t sinabi ng North Korea na nananatiling maganda ang personal na relasyon ng dalawang lider, malinaw na inuuna nito ang sariling seguridad at estratihikong interes.
Samantala, ayon naman sa mga analyst, bukas pa rin sa diplomasya ang Pyongyang ngunit nais nitong makuha muna ang mas paborableng kondisyon.