Nadagdagan pa ang mga lugar na sakop ng 60-araw na price freeze sa mga pangunahing bilihin, kasunod ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo at patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat.
Sa abiso ng Department of Trade and Industry (DTI), kabilang sa mga bagong lugar na isinailalim sa price freeze ang buong lalawigan ng Bulacan; Bugallon at Sta. Barbara sa Pangasinan; Nasugbu sa Batangas; at buong lalawigan ng Pampanga.
Matatandaang una nang ipinatupad ng DTI ang price freeze sa Capiz, Cavite, Montalban sa Rizal, Dagupan at Mangaldan sa Pangasinan, Cordon sa Isabela, Pototan sa Iloilo, at Imelda at Diplahan sa Zamboanga Sibugay.
Batay sa Price Act, kabilang sa mga pangunahing bilihin na sakop ng price freeze ang bigas, karne, isda, gulay, prutas, tubig, gatas at kape.
Sakop din nito ang asukal, asin, mantika, sabon, kandila, LPG at gaas.
Layunin ng price freeze na mapanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin at maiwasan ang pagsasamantala sa mga mamimili, lalo na sa panahon ng kalamidad.