Pinalalakas pa ngayon ng Department of Agriculture ang mga inisyatiba nito upang mapataas ang antas ng food security ng bansa at mas mapagtuunan ng pansin at mapaunlad ang buong sektor ng agrikultura ng Pilipinas.
Sa panayam sa programang Go Agri Plus, sinabi ni Agro-Marine Industrial Systems Undersecretary Arrey Perez na kabilang sa mga target ngayon ng DA ang integration ng lahat ng sistema at agricultural infrastructure ng bansa.
Kabilang kasi sa mahigpit na bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyang-prayoridad ang farm-to-table initiative ng pamahalaan, kung saan mas mapapadali ang value chain sa agri sector.
Ibig sabihin nito ay magiging integrated na ang operasyon mula sa agri inputs, ani, farm-to-market, logistics, cold storage, safekeeping, agri processing at value-adding process sa mga produktong agrikultural.
Malaking tulong din ito sa mga magsasaka at mangingisda dahil mas matitiyak ng pamahalaan na hindi sila babaratin at mas malaki na ang maiuuwi nilang kita.
Isa rin itong mahusay na hakbang, ayon sa DA, upang bawasan ang food at agri-product wastage ng bansa na aabot sa 40%, isang bagay na nais iwasan ng DA.
Sa pamamagitan nito, hindi lang food security ang maipatutupad dahil mas gaganahan na rin sa pagpapataas ng kanilang produksyon ang mga nasa agri sector dahil sa katiyakang ibibigay sa kanila ng pamahalaan.