Nanawagan si Senador Lito Lapid sa Department of Agriculture na agaran nang ipatupad ang rescue-buy scheme sa mga produktong agrikultura na pwede pang anihin at mapakinabangan.
Ito ang naging mungkahi ni Lapid kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. kasunod ng mga insidente ng itinatapon at nasisira lang na mga gulay mula sa Benguet tulad ng repolyo at carrots.
Ayon sa Senador dapat magsagawa ng programa ang DA kung saan ay ipamamahagi sa mga kababayan nating mga nasa evacuation centers na apektado ng kalamidad ang mga gulay na mabibili mula sa mga magsasaka na dumaranas ng overproduction ng kanilang aning pananim.
Kasama rin sa rekomendasyon ni Senador Lapid na pag-aralan kung paano magagamit ng mga nag-aalaga ng hayop at mga magsasaka ang mga maisasalbang gulay na hindi na puwedeng ikunsumo dahil hindi mapakinabangan matapos masalanta ng bagyo at habagat.
Kung bibilhin aniya ng DA ang mga gulay, malaking tulong din ito sa mga magsasaka sa Benguet at iba pang lugar na may overproduction ng ani para mabawi ang kanilang puhunan at gastusin sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga gulay at pananim.