Umapela ang Department of Agriculture o DA na sana ay madagdagan pa ang inilaang pondo para sa sektor ng agrikultura sa ilalim ng 2027 General Appropriations Act o GAA.
Sa panayam sa Go Agri Plus kay DA Agro-Marine Industrial Systems Undersecretary Arrey Perez, ang kinakailangang budget ngayon ng agri sector ng bansa ay triple ng kasalukuyang pondong inilaan dito.
Hindi pa rin kasi ito sapat upang masaklaw ng DA ang kabuuang pangangailangan ng mga agri stakeholder, partikular ang mga magsasaka at mangingisda, pagdating sa mga imprastrakturang may kinalaman sa agrikultura.
Halimbawa na rito ang farm-to-market roads na hanggang ngayon ay may 59,000-kilometer backlog, na napakalayo sa maaabot ng budget ng DA na 10,000 kilometro ng farm-to-market roads na target matapos ngayong taon.
Kaya naman, isa sa mga nakikitang paraan ng DA upang kahit papaano ay mailapit ang nasa ₱500-bilyong gap sa farm-to-market roads ay sa pamamagitan ng tulong ng pribadong sektor sa ilalim ng Public-Private Partnership program at soft loans mula sa mga international financing institutions tulad ng World Bank.