Kasado na ngayong araw (August 22) ang implementasyon ng logistics agreement ng Pilipinas at Japan na nagtatatag ng framework para sa reciprocal provision ng mga kagamitan at serbisyo ng kanilang mga sandatahang lakas habang pinapalalim ng dalawang bansa ang kanilang kooperasyong pang-depensa.
Welcome development para sa Department of National Defense (DND) ang implementasyon ng Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA) na kapwa nilagdaan ng Pilipinas at Japan nitong January 15 sa Maynila.
Nagbibigay ang ACSA ng legal framework para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Japan Self-Defense Force para magbigay ang dalawang sandatahang lakas ng kagamitan at serbisyo sa isa’t isa.
Ang nasabing kasunduan ay magkakaroon ng malaking epekto sa bilateral activities ng dalawang bansa, kasama na ang military exercises, humanitarian assistance at disaster response operations.
Layunin din ng ACSA na palakasin ang military interoperability, kahandaan para sa mas episyenteng joint exercises, humanitarian assistance and disaster relief operations, peacekeeping activities at iba pang mutually agreed engagements.
Naging posible ang implementasyon ng ACSA dahil sa nauna nang sinelyuhang Reciprocal Access Agreement (RAA) ng Pilipinas at Japan na naging epektibo Setyembre 2025.
Ang RAA ay nagtataguyod ng mga pamamaraan para sa mga cooperative activity kapag ang mga pwersa ng isang bansa ay bumibisita sa isa pa.