Umabot na sa 89 ang kabuuang bilang ng mga lugar na nagdeklara ng state of calamity dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng at Habagat.
Ito’y ayon sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC kaninang umaga.
Sa pinakahuling tala, 29 ang nasawi, 19 ang nasugatan at tatlo ang nawawala pa.
Apektado ng kalamidad ang 2.1 milyong pamilya o 7.4 milyong indibidwal sa Regions I, II, III, V, VI, IX, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA.
May 549 evacuation centers, kung saan nasa 11,900 pamilya o 40,600 indibidwal ang kasalukuyang nananatili.
Umabot na sa 2,326 bahay ang napinsala 2,057 ang bahagyang nasira at 269 ang tuluyang nawasak.
Tinatayang nasa ₱4.7 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at ₱1.7 bilyon naman sa agrikultura. Samantala, umabot na sa ₱1.1 bilyon ang halaga ng tulong na naipamahagi sa mga apektadong residente.