Kapit-bisig ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Agriculture (DA) para humubog ng skilled at certified urban agriculture practitioners sa bansa sa pamamagitan ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ng Bureau of Plant Industry (BPI).
Target ng nasabing programa na turuan ng praktikal na kaalaman sa modern food production ang mga kalahok, na makatutulong sa pagtugon sa food security at climate resilience sa bansa.
Ilan pa sa mga benepisyo nito ay maaari itong maging daan para magkaroon o matanggap sa trabaho ang mga kalahok, makapagtayo ng negosyo, at bumuo ng community-based food production.
Upang mapaigting pa ang accessibility ng programa sa publiko, magtatatag ang TESDA at DA ng technology demonstration hubs sa mga komunidad at nangakong palalakasin din ang kapasidad ng mga trainer, tagasuri at partner institutions sa buong bansa. Habang ang TESDA Complex naman sa Taguig ang magiging flagship Urban Agriculture Technology Demonstration and Training Center ng nasabing programa upang mabigyan ng hands-on exposure sa modernong pagsasaka ang mga kalahok.