Naaresto na ng Philippine National Police ang vice mayor ng Marantao, Lanao del Sur, na kabilang sa most wanted persons sa Region 10 dahil sa mga kasong murder at frustrated murder.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., nadakip ang 36-anyos na opisyal dakong 8:45 PM kagabi sa isang inn sa Barangay San Miguel.
Isinagawa ang operasyon ng Iligan City Mobile Force Company Tracker Team kasama ang iba pang intelligence, investigation at police units.
May warrant of arrest laban sa suspek na inilabas ng Regional Trial Court Branch 44 sa Initao, Misamis Oriental, at walang inirekomendang piyansa para sa kasong murder.
Sinabi pa ni Nartatez na hindi nagbibigay ng proteksyon ang posisyon sa gobyerno laban sa pananagutan at ipatutupad ng pulisya ang mga warrant alinsunod sa batas. Nasa kustodiya na ng Police Station 1 ang suspek para sa kaukulang disposisyon.
