Kampante ang prosecution sa kanilang inilatag na ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni House prosecution panel member Rep. Terry Ridon na mahalaga umano ang testimonya ni Gina Acosta sa alegasyon ng misuse ng confidential funds, partikular sa umano’y utos na ilipat ang ₱125 milyong pondo kay Col. Raymund Lachica.
Sinabi ni Ridon na kailangan pang sumailalim sa cross-examination at pagtatanong ng mga senator-judge sina Acosta at Sunshine Fajardo upang matukoy ang bigat ng kanilang mga pahayag.
Para naman sa alegasyon ng unexplained wealth, hinihintay pa ng prosecution ang mga dokumento mula sa BIR at mga bangko, gayundin ang mga ulat mula sa AMLC, Ombudsman at SEC.
Sa pagdinig, iniharap din ang prop money at mga visual aid kaugnay ng umano’y paglilipat ng pondo. Nakatakda ring magpatotoo ang mga eksperto mula sa NBI at mga kinatawan ng PSA upang suriin ang mga lagda at pagkakakilanlan sa acknowledgment receipts.