Pinamamadali na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways o DPWH ang pagsasaayos ng mga nasirang daanan at kalsada sa Cordillera Administrative Region dahil sa mga nagdaang bagyo at matinding Habagat.
Ayon kay DPWH Sec. Vince Dizon, isa ang Cordillera Administrative Region sa mga lubhang naapektuhan ng mga naganap na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Partikular na pinatutukan ng Pangulo ang pagsasaayos ng nasirang Benguet-Vizcaya Road dahil sa isang malaking landslide.
Ani Dizon, gagamit ng double crib wall na may mechanical stability para isaayos ang daanan upang matiyak na magiging matibay ito at hindi basta-basta masisira. Ipinangako na rin ng district engineer na may sakop sa nasabing lugar na tatapusin ang pagsasaayos ng Benguet-Vizcaya Road sa loob ng sampu hanggang labing-isang buwan.