Nanatili pa rin sa mga evacuation center ang 11,920 pamilya, o 40,648 katao, bunsod ng pinagsamang epekto ng Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, at Neneng.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang sila sa mahigit 2.1 milyong pamilya na naapektuhan sa 5,477 barangay sa 11 rehiyon sa bansa.
Nasa 549 evacuation centers ang kasalukuyang bukas pa sa mga apektadong lugar hanggang kagabi. Samantala, nasa 19,821 pamilya, o 78,943 katao, ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kaanak o kaibigan.
Nasa 269 bahay naman ang tuluyang nasira, habang 2,057 ang bahagyang napinsala. Umabot na sa mahigit ₱1.07 bilyon ang kabuuang humanitarian assistance ng DSWD para sa mga apektadong pamilya.