Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Pinili ng Embahada ng Pilipinas sa Manama, Bahrain ang temang “Filipino Community sa Bahrain: Matatag, Sama-sama, at Nagkakaisa” para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 dahil ito ay napapanahon at sumasalamin sa sitwasyon ng mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa naturang bansa.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, ibinahagi ni Vice Consul Charlie Prenicolas na layon ng napili nilang tema ngayong taon na idokumento ang karanasan ng ating mga kababayan sa Bahrain, lalung-lalo na at mayroon pa ring sigalot sa Gitnang Silangan.
Ani Vice Consul Prenicolas, ipinapakita rin ng tema ang positibong pananaw para sa mga Pinoy sa Bahrain na manatiling matatag at magkaroon ng pagkakaisa sa gitna ng mga hamon sa rehiyon.
Samantala, sinabi ng Embassy official na malaki ang naging tulong ng nasa 55,000 Pilipino sa Bahrain sa pagpapayabong ng Wikang Pambansa at kulturang Pinoy kahit na sila’y malayo sa kanilang inang bayan.
Aniya, ang Filipino Community sa Bahrain ang ika-apat na pinakamalaking foreign community sa naturang bansa kaya naman kahit saan mapunta sa Bahrain ay mayroong Pilipino.
Matatandaan na nagkaroon ng kolaborasyon ang Embahada at ang Philippine Teachers Associations Bahrain para sa isang timpalak sa pagsulat ng tula at maikling kuwento.
Naniniwala naman si Vice Consul Prenicolas na isang malaking hamon sa pagpapairal ng Wikang Filipino sa Bahrain ay ang pagiging hirap ng mga kabataang Pinoy na lumaki sa nabanggit na bansa sa paggamit nito.
Sila, aniya, ang isang sektor na nais tulungan ng Embahada upang malinang ang kanilang kaalaman sa ating wika.