Photo courtesy of DSWD FIELD OFFICE 5 - BICOL REGION
Ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang ₱10,875 cash assistance sa bawat isa sa 370 estudyante at graduate mula Manito at Libon, Albay matapos nilang makumpleto ang 25-araw na pakikilahok sa ilalim ng KALAHI-CIDSS Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay–Cash-for-Work Program (KKB-CFWP).
Ayon sa DSWD Bicol, umabot sa ₱4,023,750 ang kabuuang cash assistance para sa 370 benepisyaryo, kabilang ang 170 estudyante at graduate mula Manito at 200 mula Libon. Kinilala ang mga benepisyaryo sa culminating activities nitong Agosto 19 at Agosto 20 matapos makumpleto ang kanilang 25-araw na pakikilahok sa programa.
Ayon pa sa ahensya, ang KKB-CFWP para sa mga Higher Education Institutions (HEIs) ay idinisenyo upang magbigay ng pansamantalang oportunidad sa trabaho sa mga estudyante at graduate mula sa mga State Universities and Colleges (SUCs). Sa ilalim ng programa, naiaambag ng mga kalahok ang kanilang oras, kasanayan, at kaalaman sa mga inisyatiba sa komunidad habang tumatanggap ng tulong pinansyal.
Sinabi ni DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio na nagsisilbing oportunidad ang CFWP sa mga bulnerableng sektor upang maging aktibong kalahok sa pagpapaunlad ng komunidad. Dagdag ng DSWD Bicol, nakumpleto rin noong Hunyo 2026 ang payout para sa 470 persons with disabilities sa Calabanga, Camarines Sur; Viga, Catanduanes; at Jovellar at Pio Duran, Albay. | ulat ni Syrl Anne Luzon | RP Albay