Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Inihayag ng isang samahan ng tour guides sa Gitnang Luzon na kailangang maging kolektibo ang mga hakbang upang masolusyunan ang problema sa basura sa mga lugar na madalas puntahan ng mga turista.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, binalikan ni Central Luzon Tour Guides’ Association (CLTGA) President Angelo Paulo Chico ang kanyang pagdalo sa isang convention sa Subic, Zambales na nakasentro sa sustainable tourism, kung saan kanyang napansin na ang basura sa mga beach doon.
Ani Chico, maraming bayan na malapit sa Subic na nagmistulang hindi naka-align sa mga layunin ng naturang munisipalidad para sa sustainable tourism kahit na iisang karagatan ang sakop ng mga ito.
Dagdag ng CLTGA president, may kahalintulad na sitwasyon sa Bulacan at sa Corregidor Island.
Base sa obserbasyon ni Chico, pagdating sa waste management ay kanya-kanya pa rin ang mga lokal na pamahalaan at nakalulungkod na may mga insidente na ginagawa na rin itong negosyo.
Aniya, malaki ang epekto ng kawalan ng maayos na sistema sa waste management sa branding ng Pilipinas bilang isang tourist destination.
Samantala, ayon kay Chico, isa sa kinokonsidera na isulong ang pagsusunog ng basura o incineration at naniniwala siya na kailangan nang tingnan ang mga polisiya kaugnay nito.
Ibinahagi ng CLTGA president na isinasagawa na ng bansang Singapore ang incineration upang gawing kuryente ang init na nanggagaling sa pagsusunog ng basura.