Iba-block ng PLDT at Smart Communications ang mahigit 100 website na natukoy nito na nag-i-stream o nagho-host ng mga video ng school shootings at iba pang matitinding karahasan.
Ayon sa PLDT Group, bahagi ito ng kanilang hakbang para mapanatiling ligtas ang kanilang networks, lalo na para sa mga bata at kabataan na mas exposed sa mapanganib na content online.
Isinasagawa ang blocking sa network level, kaya hindi na maa-access ng PLDT at Smart subscribers ang mga naturang site. Patuloy din umanong madaragdagan ang listahan habang may natutukoy na bagong website, sa pamamagitan ng sariling monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno, child protection groups, at parenting communities.
Iginiit ng PLDT na hindi nito papayagang gamitin ang kanilang networks sa content na naglalarawan sa totoong karahasan bilang entertainment. Kaugnay ito ng kanilang mga programa sa online safety at child protection, kabilang ang pagba-block sa mga site na nagho-host ng child sexual abuse material.