May bagong oportunidad para sa mga kwalipikadong job seeker na nais magtrabaho sa ibang bansa sa isasagawang job fair ng Department of Migrant Workers-National Capital Region o DMW-NCR.
Isasagawa ang Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa: A National Reintegration Network and Job Fair sa Agosto 26, Miyerkules, mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM, sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila.
Kabilang sa mga land-based job opportunity ang mga posisyon sa New Zealand, Papua New Guinea, Estados Unidos, Poland, Turkey, Australia, Madagascar, Taiwan, at Czech Republic.
Kabilang sa mga trabahong puwedeng pasukan ay ang pagiging welder, fitter, carpenter, HVAC technician, excavator operator, mechanic, engineer, accountant, nurse, pharmacist, factory worker, warehouse worker, at cleaner.
May mga sea-based opportunity rin para sa mga seafarer, kabilang ang master, chief officer, chief engineer, second at third engineer, able seaman, ordinary seaman, oiler, messman, at iba pang maritime positions.
Target ng job fair ang mga kwalipikadong job seeker, kabilang ang returning, repatriated, at former OFWs. Pinapayuhan ang mga interesadong aplikante na alamin ang partikular na qualifications at requirements ng bawat posisyon bago mag-apply.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa DMW-NCR Welfare Reintegration Services Division sa numerong (02) 8726-8965.