Photo courtesy of PRO 5| NAPOLCOM
Isang police officer ang malubhang nasugatan habang rumeresponde sa ulat hinggil sa isang armadong indibidwal sa Zone 1, Barangay Calalahan, San Jose, Camarines Sur noong Agosto 22, 2026.
Ayon sa Police Regional Office 5 (PRO 5), pinangunahan ni PSSg Noli M. Miraña ang response team na unang nagtangkang kausapin at pakalmahin ang suspek, na pinaniniwalaang dumaranas ng mental health crisis.
Bigla umanong sumugod ang suspek at pinagtangkaang saktan si Miraña gamit ang bolo, dahilan upang magtamo ito ng malubhang sugat sa kaliwang kamay at mukha.
Agad namang umawat ang mga kasamahang pulis at nagpaputok ng kanilang service firearms, na tumama sa magkabilang hita ng suspek at napahinto ang pag-atake.
Kapwa isinugod sa Partido District Hospital ang pulis at suspek bago inilipat sa Bicol Medical Center para sa karagdagang gamutan. Pinuri ng NAPOLCOM ang katapangan at propesyonalismo ng mga rumespondeng pulis at hiniling ang panalangin para sa mabilis na paggaling ni PSSg Miraña.