Photo courtesy of Department of Health
Naghahanda na ang Department of Health (DOH) sa inaasahang pagtaas ng kaso ng leptospirosis kasunod ng mga pag-ulan at pagbaha.
Sa pagbisita ni Health Secretary Edwin Mercado sa San Lazaro Hospital sa Maynila tiniyak nito ang kahandaan ng ospital sa pagtugon sa mga pasyente. Naka-activate na sa San Lazaro Hospital ang Leptospirosis Express Lane para mapabilis ang pagsusuri at gamutan.
May nakahanda ring rapid diagnostic tests, sapat na suplay ng antibiotics, at hemodialysis units para sa mga pasyenteng may malubhang kondisyon. Tiniyak din ng DOH na may nakalaang surge capacity beds sa mga ospital sakaling dumami pa ang mga kaso.
Pinaaalalahanan din ng ahensya ang publiko na magpakonsulta agad sa pinakamalapit na DOH health facility o YAKAP Clinic kung lumusong o nababad sa baha, may sintomas man o wala, at sundin ang tamang pag-inom ng gamot ayon sa payo ng doktor.
Samantala, sa paglilinis matapos humupa ang baha, hinihikayat ng DOH ang pagsusuot ng bota, gloves, goggles, at mask, pag-iwas sa pagbubuhat ng mabibigat na bagay nang mag-isa, at tamang paggamit ng mga panlinis. Paalala ng DOH, unahin ang kaligtasan upang makaiwas sa leptospirosis at iba pang panganib matapos ang pagbaha.