Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Bukod sa isang patimpalak sa pagsulat ng tula at maikling kuwento para sa Buwan ng Wika 2026, kinokonsidera ng ating Embahada sa Manama, Bahrain na maglathala ng isang aklat kung saan pagsasama-samahin ang mga napiling akda mula sa naturang kompetisyon.
Para kay Vice Consul Charlie Prenicolas, isa itong paraan upang mai-preserba ang mga nagawang entry ng ating mga kababayan sa Bahrain at upang maitala ang kanilang mga karanasan sa gitna ng hamon na dulot ng giyera sa Gitnang Silangan.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Vice Consul Prenicolas na siya’y naniniwala na mahalaga ang hakbang na ito sa pagpapayaman ng Wikang Pambansa sa Bahrain at pagpapanatili ng kasaysayan ng mga overseas Filipino worker (OFW) doon.
Samantala, ibinahagi ng Embassy official na namimigay din sila ng mga libro at babasahing nasa Wikang Filipino sa Philippine School Bahrain, katuwang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Aniya, noong Hulyo ay nagtungo sila ni Philippine Ambassador to Bahrain Gines Gallaga doon upang ibahagi ang mga aklat na magagamit ng mga estudyante sa naturang paaralan.