Tuloy-tuloy pa ang relief operations ng Department of Social Welfare and Development para sa mga pamilyang naapektuhan ng habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Kabilang sa tinututukan ng DSWD ang mga lugar sa Sablayan at Abra de Ilog sa Occidental Mindoro, gayundin sa San Marcelino, Zambales.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, patuloy ang koordinasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan para agad na maihatid ang ayuda sa mga apektadong pamilya.
Sa Sablayan, mahigit 300 pamilya ang nabigyan ng family food packs, habang 223 pamilya naman sa Abra de Ilog ang nakatanggap ng ayuda noong Agosto 21.
Sa Zambales, nagsagawa rin ng relief operations ang DSWD sa Barangay Sta. Fe, San Marcelino, matapos umapaw ang ilog.
Samantala, nananatiling nakaalerto ang DSWD sa kabila ng pagbaba sa Blue Alert Status ng Disaster Response Command Center nito.