Natanggap nang mga punong barangay mula Pandami, Lugus, Tapul, Luuk, Kalinggalan Caluang, Panglima Estino at Indanan ang pondong inilaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa implementasyon ng Barangay Development Project at Bagong Pilipinas Barangay Scholars program.

Pagbabahagi ni Association of Barangay Captain President – Sulu Chapter Nurhaipa Berto, na siyang nangasiwa ng implementasyon ng programa sa lalawigan, una nilang mabibigyan ang mga barangay sa ilalim ng mga nabanggit na munisipalidad matapos makompleto ang mga kinakailangang dokumento para sa pangangailan sa barangay at kanilang mga iskolar.
Sa ₱100,000 community projects ilan sa mga naisumite ng mga barangay ay para sa paglalagay ng solar street lights, generator set, office equipment gaya ng laptop, desktop computer, at iba pang mga kagamitan na pinaka-kailangan sa pagseserbisyo nila sa barangay.
Habang ang ₱100,000 naman ay nailaan para sa limang iskolar na nasa ika-4 na taon na sa kolehiyo at labis na nangangailan at nangangambang hindi makapag-tapos dala ng krisis at iba pang suliranin.
Aminado ito na hindi madali ang pagpili sa mga iskolar lalo batid niya ang pangangailangan ng bawat estudyante gaya na lamang sa kaniyang barangay sa Baligtang, Pandami. Umaasa si Berto na magagamit ng mga iskolar nila ang ₱20,000 na tulong upang patuloy na magsumikap at makapagtapos upang matulungan ang kani-kanilang pamilya.
Hinikayat naman niya ang mga kapwa punong barangay na tiyakin mabibili at mapapakinabangan ang proposed barangay development project. Nagpasalamat naman si Berto sa tiwala na ibinigay sa kaniya ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Abdusakur A. Tan II gayundin kay Vice Givernor Abdusakur M. Tan.
Malaki aniya ang suporta ng kanilang administrasyon upang maging mas madali para sa mga punong barangay ang proseso ng programang ito ni PBBM. Ang programang ito ng pamahalaan ay sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” na personal din pinasinayaan ni Pangulong Marcos Jr. sa Sulu noong Hunyo 29, 2026 sa Maimbung, Sulu.