May mga sirang istruktura na kailangang ayusin at mga problemang dapat na resolbahin nang pangmatagalan.
Ito ang assesment na inilabas ni Cabinet Secretary Benhur Abalos kasunod ng ginawang pagbisita sa mga lugar ng Hagonoy at Paombong na sa mahabang panahon ay matinding apektado pa rin ng pagbaha.
Ayon kay Abalos, kanilang inalam kung bakit tila hindi matapos-tapos ang problema sa baha ng mga taga-Bulacan sa kabila ng may mga flood-control structure naman.
Pero sa lahat ng ito, sinabi ni Abalos, ay malinaw aniya ang utos dito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. — ipaayos agad at papanagutin ang mga dapat na may pananagutan sa mga palpak na flood control projects.
Kung may contractor aniya na may obligasyon sa warranty ay kailangang singilin sa kanila ito at kung nagka-aberya sa disenyo o konstruksyon ay dapat itong panagutan lalo’t may kapabayaan.
Hindi na aniya dapat hayaan ang paulit-ulit na paggasta ng gobyerno para sa mga proyektong hindi naman nagtatagal, hindi matibay, at hindi kayang protektahan ang mga tao.
Pagtiyak ni Abalos, hindi hanggang tingin at inspeksyon lang ang magiging resulta sa pagbisita nila sa mga bahaing lugar kundi lalakipan ng aksiyon base na din sa direktiba ni Pangulong Marcos.

