Umabot na sa 1.084 milyong batang Pilipino ang nakatatanggap ng masustansyang hot meals sa ilalim ng Supplementary Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nasa 57 porsyento na ito ng 1.89 milyong target na benepisyaryo ngayong 2026 mula sa 1,619 LGUs.
Saklaw ng programa ang mga batang edad 3 hanggang 5 taong gulang na nasa Child Development Centers at Supervised Neighborhood Play, na binibigyan ng hot meals at gatas sa loob ng 180 araw.
Samantala, 43,140 bata sa 540 prayoridad na LGUs ang nakatatanggap ng milk at fresh milk-based products.
Target ng DSWD na umabot sa 180,265 bata ang mabigyan ng milk supplementation.
Umabot na sa ₱5.31 bilyon ang nailabas ng DSWD para sa SFP hanggang Hulyo 16, o 55.57 porsyento ng kabuuang ₱9.25 bilyong pondo para sa programa.
Kasama rin sa SFP ang Parent Effectiveness Service upang maturuan ang mga magulang ng wastong nutrisyon. Noong 2025, mahigit 1.59 milyong bata ang nabigyan ng fortified meals.