Pinapurihan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang tapang at propesyunalismo ni PSSgt. Noli Miraña.
Si Miraña ang pulis na naputulan ng kaliwang kamay habang sinusubukang pakalmahin at kausapin ang isang armadong lalaki sa San Jose, Camarines Sur, noong August 22.
Ayon kay Nartatez, kinikilala nila ang panganib na kinahaharap ng mga pulis sa bawat pagresponde nila sa tawag ng publiko lalo na sa kritikal na sitwasyon.
Binigyang diin ng PNP Chief, sinanay ang mga pulis na makipag-usap muna at pahupain ang tensyon kung maaari, pero kailangang kumilos kapag may agarang panganib upang maprotektahan ang buhay.
Patuloy namang tinitiyak ng PNP ang kinakailangang tulong at suporta para kay Miraña habang siya ay nagpapagaling.