Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa anumang banta ng paparating na bagyong may international name na Saudel sa bansa.
Kasunod nito, inalerto ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang iba’t ibang tanggapan at yunit ng Pulisya para magsagawa ng pakikipag-ugnayan sa mga Lokal na Pamahalaan na tatamaan ng bagyo.
Mahigpit ding tinututukan ng PNP ani Nartatez ang lagay ng panahon lalo’t ayon sa PAGASA, paiigtingin ng naturang bagyo ang Habagat na siyang magpapa-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
May nakalatag na rin aniyang sistematikong pagtugon ang PNP para tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng sakuna.
Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok ang Saudel sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Lunes, August 24, at posibleng lumakas hanggang maging isang super typhoon.
Kumikilos ang bagyo patungong kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Patuloy ding mino-monitor ng Weather Bureau ang iba pang tropical cyclone na malapit sa bansa na maaaring magpalakas sa Southwest Monsoon o Habagat at magdulot ng karagdagang pag-ulan.