Giniit ni Senador Ping Lacson na maaaring maharap sa reklamong subornation of perjury sina Senador Rodante Marcoleta at dating Representative Michael Defensor kaugnay ng “coached” na testimonya ng dating Marine na si Orly Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang taon.
Ayon kay Lacson, malinaw sa mga pangyayari sa naturang pagdinig na ginabayan o kino-coach ni Marcoleta si Guteza sa kanyang affidavit tungkol sa sinasabing paghahatid ng pera sa ilang mga personalidad, kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez.
Sinabi ng senador na maaaring magsampa ng reklamo ang mga taong nadawit sa unang pahayag ni Guteza, kabilang si Romualdez.
Pwede rin aniyang magsagawa ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman ng preliminary investigation kaugnay ng posibleng perjury laban sa mga nasa likod ng unang testimonya ni Guteza dahil isang public crime ang perjury.
Nauna nang sinabi ni Guteza na sina Marcoleta at Defensor ang nanghikayat sa kanya na tumestigo kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Dahil dito, iginiit ni Lacson ang pangangailangan ng mas mabigat na parusa at multa laban sa mga taong nang-uudyok o namimilit sa iba na gumawa ng perjury.
Sinabi rin niyang plano niyang maghain ng panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa subornation of perjury, para mapigilan ang paggamit nito bilang negosyo at matiyak na mananagot ang mga sangkot. | ulat ni Nimfa Asuncion