Suportado ng Commission on Elections (COMELEC) ang panukalang batas na isinusulong sa senado na magtatakda sa bagong termino ng mga opisyal ng barangay at sangguniang kabataan.
Sa pagdinig sa senado, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na walang malalabag na Supreme Court jurisprudence ang Senate bill 2387, na isinusulong ni Senador Chiz Escudero.
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang Republic Act No. 12232 para gawing limang taon ang termino ng barangay at SK officials, mula sa kasalukuyang apat na taon.
Dahil dito, maaapektuhan ang nakatakdang BSKE sa November 2, 2026.
Kung maisasabatas ang panukala, sa unang lunes ng November 2028 na gaganapin ang susunod na regular na barangay at SK elections, at susundan ito ng halalan kada limang taon.
Suportado rin ng Liga ng Barangay at Sangguniang Kabataan ang panukala habang tutol naman ang Election watchdogs gaya ng PPCRV, Namfrel at Lente sa pagtatakda ng bagong termino.
Iginiit ni Escudero na ang panukala ay hindi simpleng pagpapaliban lang ng halalan kundi pagtatakda ng mas malinaw at permanenteng election cycle.
Ayon kay Escudero, magiging mas predictable ang pamamahala sa mga barangay at mabibigyan ang mga lokal na opisyal ng mas mahabang panahon para ipatupad ang mga proyekto sa community development, disaster preparedness, at peace and order. | ulat ni Nimfa Asuncion