Dalawa sa kada tatlong Pilipino ang tiwala at positibo ang pagtanggap sa Philippine National Police (PNP), batay sa resulta ng second quarter 2026 Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Sa survey, lumalabas na 65% ng respondents ang nagsabing nagtitiwala sa PNP, 13% ang hindi nagtitiwala, at 23% ang hindi makapagpasya.
Samantala, 63% naman ang nagsabing satisfied sila sa performance ng PNP, kumpara sa 17% na dissatisfied.
Kumpara noong March, bahagyang tumaas ang national trust rating mula 63% hanggang 65%, habang umakyat ang satisfaction mula 61% hanggang 63%.
Pinakamataas ang trust rating ng PNP sa Visayas na may 70%, sinundan ng Balance Luzon na may 69% at Mindanao na may 67%. Mas mababa naman ang naitalang tiwala sa National Capital Region o NCR, na nasa 40%.
Pinakamataas din ang satisfaction sa performance ng PNP sa Visayas at Mindanao na parehong 67%, habang 65% naman sa Balance Luzon at 43% sa National Capital Region (NCR).
Kinomisyon ang survey ng PNP na isinagawa rin mula July 4-11 sa pamamagitan ng face to face interviews sa 1,200 respondents sa bansa.